Sa lahat ng klase ng laro, kailangan may timeout, hindi maaaring tuloy-tuloy sapagkat ito’y nakakapagod at nakapang-uubos ng lakas.
Kamakailan lamang, umugong ang balitang hindi na magkakaroon ng pagtatapos o ng ‘graduation’ ang mga nasa baitang anim o magsisipagtapos ng elementarya at ang baitang 10 o magsisipagtapos ng junior high sa halip ay baitang 12 na lamang.
Maraming umalma na nagpahayag ng samu’t saring reaksyon sa iba’t ibang site ng internet partikular na sa facebook. Agad naamn itong dininig ng kagawaran ng Edukasyon o ng DepEd at nilinaw na magkaroon parin ng graduation ang mga elementarya at moving-up ceremony sa junior high school students, ika-2 ng Marso taong kasalukuyan.
Kabilang sa programa o kurikulum na k-12 ang naunang pahayag, sa ibang bansa na may ganito ring uri ng kurikulum o ng edukasyon ay sadyang baitang 12 lamang ang mayroong graduation ngunit hindi ito sapat na dahilan upang sumunod sa yapak ng iba lalo pa’t nakasanayan na nating mga Pilipino ang nakagawiang tradisyon at magmartsa kahit elementarya pa lamang.
Isipin na lamang nila ang kalagayan ng mga mamamayan. Batid ng lahat ng tao na hindi lahat ng taong nabubuhay ay mayaman o kahit nga may kayaman lamang, marami pa ring isang kahig, isang tuka o minsan nga’y wala na talaga at araw-araw na buhayay kapit sa patalim, “bahala na”.
Dahil sa kahirapan, hindi lahat kayang mag-aral . May ibang pinipilit makatapos ng kahit elementarya man lamang. Paano naman silang walang kakayanan,hindi man lamang ba sila makararanas magmartsa at magkaroon ng katibayan o sertipiko na magpapatunay na hindi man sila ganoon kayaman, mayroon rin naman silang karangalang maituturing at maipagmamalaki?
Sa pagpapatupad ng mga batas, nararapat lamang na dinggin ang hinaing ng nasasakupan at sa pagsagot ng bawat suliranin kailangang tingnan ang lahat ng anggulo upang magkaroon ng katarungan at patas na pagtingin. Sa patuloy nating paglalakbay, lalo na ng mag-aaral, kailangan ring huminto at magpahinga para bukas ay babalik na ang dating lakas na huhugutin mula sa tagumpay na nalasap.



