02-14-19. Araw na naman ng mga pusong nagmamahal. Ikaw ba yung uri ng taong nagmahal, umasa at nasaktan? O ikaw yung tipo ng taong takot magmahal kasi takot masaktan? Mga tao nga naman, basta pag-ibig ang pag-uusapan, sari-saring pagpapakahulugan.
Basta usapang pag-ibig, aba, mayaman tayo dyan. Nariyang may mga taong maswerte dahil nahanap na ang taong sadyang itinadhana para sa kanila, aba nga naman, ang lakas ng karisma. Mayroon din namang mga naghihintay pa daw ng tamang panahon at ilang taon pa ang ginugugol sa ligawan ngunit sa huli, sila pa rin naman at kung suswertihin, ang tuloy na ay sa simbahan.
Pero kung mayroong sumasaya, mawawala ba ang ang pagkasawi ng iba? Mayroon dyan, umasa sa mga pangako kaya nga lang, lahat napako. Yung iba naman pakipot pa masyado, kunyari iwas-iwas kaya nung nagsawa na, iniwan rin siya. At syempre mawawala pa ba ang mga nagmahal ng isang taong may mahal naman palang iba, ngunit mas masakit, kaibigan pa nila.
Nakakatuwa.Nakakaasar. Sabi nila masarap magmahal, pero sabi ng iba, masakit masaktan. Kapag usaping pag-ibig normal lang ‘yan. Hindi puro tamis, kailangan din ng pait dahil kung puro saya anupa’t mayroong kontrabida sa mga pelikula hindi ba?
Tiwala. Tiyaga. Unawa. Mahabang pasensya. ‘Yan ang sangkap ng tunay na pagmamahalan, pagmamahal na hindi nanggaling sa nguso lang kundi alinsunod sa puso ng bawat nagmamahalan at nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit.
Hindi sukatan ang oras, pisikal na anyo, at ang kung anumang sasabihin ng iba, ang mahalaga ay tanggap mo sya at tanggap ka rin nya. Ika nga sa kanta ” mahal kita, basta’t mahal kita, ang iniisip nila ay hindi mahalaga, mahal kita maging sino ka man”, ‘yan ang tunay at tapat na pagmamahal, ang tunay na kahulugan ng pag-ibig at dapat itatak sa bawat isipan.
Ngunit, mahalaga munang malaman na ang pag-ibig at ang araw ng mga puso ay hindi lamang para sa mga nagmamahalan, ito rin ay tungkol sa pagmamahal sa sarili, pamilya, kaibigan, maging sa mga bagay na kinahihiligan at syempre pag-ibig para sa Maykapal.










